Limang araw mula ngayon ay haharap na sa bansa ang bagong Pangulo para sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA). Lahat ay nakaabang - walang naghahating kulay – mula sa kapansin-pansin na kawalan (emptiness) ng malinaw na programa ng Pangulong Bongbong Marcos mula panahon ng kampanya hanggang sa unang tatlong linggo ng kanyang panunungkulan.
Sa dalawang press conference ng Pangulo ay lalo lamang tumingkad ang naturang kawalan. Sa harap ito ng nagsasalimbayang krisis dahil sa nagpapatuloy na pandemya, sumisirit na implasyon, krisis sa pagkain, trabaho, nanganganib na mga karapatan, at lumalalang krisis sa klima at kalikasan.
Alam ng lahat na hindi sapat ang magkaisa lamang para malutas ang mga suliraning ito, katulad sa hiningi sa Sambayanan noong nakalipas na halalan. Ang hiling ng batayang mga sektor sa bagong pamunuan ay makatotohanang solusyon sa krisis sa pagkain, kalusugan, trabaho, karapatan, at kalikasan.
Maraming magugutom dahil sa 6.4% na implasyon sa pagkain. Dagdag na pasanin ang mas mataas na implasyon sa iba pang gastusin sa bahay, kuryente, tubig, gas at iba pa na umakyat ng 136% mula June 2021. Hiling namin na gawing prayoridad ang kasapatan sa pagkain sa pamamagitan ng pagpapalakas sa sariling produksyon, hindi ang pagsandig sa importasyon katulad ng rice tariffication. Dapat na ring talikuran ang deregulasyon at pribatisasyon ng pampublikong mga serbisyo na lalong nagpapabigat sa cost-of-living ng mga Pilipino.
Nananatiling ‘jobless at low-wage growth’ ang ekonomiya ng Pilipinas at namayani ang endo sa lahat ng industriya. Nakabalik na sa pre-pandemic level ang unemployment rate (6%), pero ang mga trabaho ay hindi regular, self-employment o hindi sahuran, at mababa ang sweldo. Hiling namin ay itigil ang endo, itaas ang sweldo, at lumikha ng mga trabaho, kabilang ang guaranteed employment. Ang planong “rightsizing” ng burukrasya ay hindi magiging makatarungan kung walang konsultasyon sa mga kawani at hindi nabigbigyang-tugon ang isyu ng dumadaming unfilled plantilla positions at kalakarang contractual/job order sa gobyerno.
Hindi labor export kundi sapat na proteksyon para sa lahat ng naghahanapbuhay, kasama ang nasa labas ng bansa at komprehnsibong reintegrasyon para sa mga nagsibalik at nais bumalik.
Patuloy ang pag-unlad sa negosyo sa real estate tulad ng mga condo, resort, casino at entertainment, pero sa socialized housing ay 6.5M unit ang backlog. Maglaan ng malaking pondo ang estado para dito, kabilang ang suporta sa kanilang transisyon sa renewable energy.
Nabubuhay ang mga Pilipino na may garantisadong mga karapatan sa ilalim ng Saligang Batas at mga kumbensyong internayunal. May pagkakataon ang bagong liderato na ituwid ang kakulangan at kasalanan ng mga nagdaang administrasyon. At bagama’t mahirap asahan ang ganitong pangarap sa ilalim ni Marcos Jr., ang Konstitusyon mismo ang nag-aatas sa kanya, katulad din sa iba, na gawing makatao at rights-based ang kanilang pamamahala.
Pagkain, trabaho at kaligtasan sa karahasan ang kailangan ng lahat, kabilang ang kababaihan, hindi pabuya sa mga nasa kapangyarihan. Nabubuhay ang mga Pilipino na kulang sa social protection. Hindi lubos ang ating universal healthcare at kapos ang mga serbisyo sa kababaihan, kabataan, matatanda, at PWDs, lalo’t higit ang mga mula sa kanayunan at katutubong komunidad. Magbalangkas ng dagdag at bagong programa para sa mga ito. Higit na gutom ang kaharap ng mga maralita sa nayon at lungsod dahil sa pagbabawas ng mga benepisyaryo ng 4Ps. Sila ay hindi kriminal. Tama lang na repormahin ang programang ito, pero idaan sa tamang proseso ng rebyu at ebalwasyon ayon sa isinasaad ng batas, hindi ang basta i-Tulfo.
Kaharap ng administrasyon ngayon ang usapin ng pananagutan (accountability) sa human rights violations ng nagdaang administrasyon, kabilang ang pagharap sa International Criminal Court ng dating Pangulong Duterte, pagsikil sa press freedom, red tagging sa human rights defenders sa ibat-ibang sector at mga community leaders, kabilang ang patuloy na pagpiit kay Sen. Leila De Lima. Ang kabiguang mabigyan ng hustiya ang mga paglabag na ito ay lalong magpapasama sa kalagayan ng karapatang pantao sa bansa. Kabilang sa aming kahilingan ang maipasa ang human rights defenders protection bill.
Sa mga komunidad sa kanayunan, lalo na sa loob ng mga lupaing ninuno, ang kahilingan ay iligtas ang kanilang komunidad sa mapanalantang pagmimina sa pamamagitan ng pagbawi sa ginawang pag-lift ng administrasyong Duterte sa moratorium on open-pit mining at withdrawal sa Extractives Industry Transparency Initiative (EITI). Kaugnay nito ay magpatawag ang bagong administrasyon ng environmental summit, nang sa gayon ay mapag-usapan hindi lamang ang kwestyunableng mga kontrata sa pagmimina, kundi maging ang pagpasa ng Kongreso sa Alternative Minerals Management Bill, Sustainable Forestry Management, National Land Use Act, at Indigenous and Community Conservation Act.
Panghuli, hindi pa nakakaalpas ang bansa at maging ang buong mundo sa pandemya. Sa mga ulat ay paparami ulit ang mga kaso at dumadami rin ang mga variants. Iniwan ng administrasyong Duterte na palpak ang pandemic response, subalit dagdag lamang na pangamba ang kawalan pa ng malinaw na direksyon dito sa kasalukuyan. Hindi pa nakakapili ng permanenteng kalihim sa DOH, pero nakabulaga na ang planong face-to-face na pagbubukas ng klase ngayong Agosto na hindi malinaw ang mga protocol.
Hinihiling namin sa pagbubukas ng klase ng kabataan at pagbabalik trabaho ng marami ay palawakin ang pagpaplano lagpas sa pagbabakuna kundi sa pagpapalakas pa ng ating healthcare system, kagalingan ng ating healthcare workers, sapat at ligtas na transportasyon, at ayuda sa mga bulnerableng sektor.
Mag-aabang kami ng malinaw na estratehiya para sa mga ito sa darating na SONA. Magsusuri kung may pag-asang darating. At papalag kung ang direksyon ay mas patungo sa bangin.
-----------------------------------------------------------------------------------------------------------
NAGKAISA KALIPUNAN iDEFEND MATA WMW TSM